Sa Malayong dako,na nakabibingi
ang katahimikan.
Dito ko nakita,ang s'yang tanging lunas
sa kapighatian,
Ang kapayapaan,nitong aking puso't
pagal ko'ng isipan.
Ang mundo ko'ng ito'y,inuusal-usal
ng nananalangin,
Dito ang diwa ko,ay isang pag-asa
na hatid ng hangin.
Ito rin'y malayo,sa kapangyarihang
nanasang guluhin,
Ang bulong ng pangarap ko,at tinig
ng pagal ko'ng damdamin.
Isang paumanhin,ang sana'y sumapit
sa'king naulila,
Kung ako ay hindi,nakapagpaalam
at yumaong kusa.
Buhay natin'y ganyan,nangagpapalaot
sa daang-hiwaga,
Sa mundo'ng tahanan,ng mga pangarap
at hangi'ng ulila.
Ang pahingahan'y ko'y,sagana sa lilim
ng asul na ulap,
Na pumapalaot,doon sa ligalig
ng itim na dagat.
Puso ko'y palaging,taghoy ng kudyapi
ang inaapuhap,
Sa aking sariling,pinatatahimik
nitong piping galak.
Mulang pagkabata,ang aking pangarap
sumabay sa hangin,
Tumakbo sa ulap,na kasakasama'y
anghel at kerubin.
Salamat at ngayon,ay aking nasapit
ang mga pampangin,
Na dagat-dagatan,ng mga litanya't
hamak ko'ng tulain.
Kung diyan sa atin,ang aking libingan'y
baon na sa limot,
Wala ng dumalaw,na kamag-anakan
sa ulilang puntod.
Abo ko'y bayaang,anurin ng tubig
at nawa'y malunod,
Kasama ng aking,mga ala-alang
daglian'y ianod.
Kung di na makita,sa mga sulatin
ang aking pangalan,
Iyan ay sa aking,isang bahaging
walang kahalagahan.
Mabuti pa'ng ako,ay pakatangayin
ng Hangi'ng Amihan
Sa bago ko'ng mundo,na dinig ang awit
ng katahimikan.
Ako'y isang tinig,sa pagka-ulila'y
napadpad sa ilang,
Na walang kasuyo,ni mga karamay
o isang tahanan.
Dito ko nakita,ang s'yang tanging lunas
sa kapighatian,
Ang kapayapaan,nito'ng aking puso't
pagal ko'ng isipan.

